NTF special adviser, sang-ayong ibaba na sa Alert Level 2 ang NCR sa Nov. 15

Sinang-ayunan ng special adviser ng National Task Force Against COVID-19 na si Dr. Ted Herbosa ang rekomendasyon ng OCTA Research Group na ibaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila pagsapit ng November 15.

Pero ito ay kung magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Ayon kay Herbosa, nakikita ng UP COVID-19 Pandemic Response na bababa pa sa 2,000 ang arawang kaso ng COVID-19 ngayong Nobyembre na pareho sa projection ng OCTA.


Aniya, bukod sa maluwag na ang mga ospital, mataas na rin ang vaccination rate sa NCR.

“Mataas ang ating vaccination rate dito sa NCR, nasa 85%, palagay ko in two weeks aabot na sa 90% kasi yung mga may one dose pa lang, mabibigay na yung kanilang second dose,” ani Herbosa sa interview ng RMN Manila.

“Palagay ko pwede na wag lang magkakaroon ng panibagong variant o clustering ng mga kaso,” dagdag niya.

Dagdag pa ni Herbosa, sakaling mabakunahan na ang 90% ng populasyon ng NCR ay maaari nang pag-aralan ang hindi pagre-require ng face shield kahit sa mga tinatawag na “Three Cs” o closed, crowded at close-contact spaces.

“If the community is 90% vaccinated, ang feeling ko yung face shield konti na lang ang nadadagdag na protection,” saad ng special adviser.

“Umpisa tayo sa face shield muna tapos tingnan natin kung hindi tataas, always gradual, yan ang recommendation ko,” aniya pa.

Facebook Comments