Pumalo na sa 20,307,122 o 26.33% ng target population ang mga fully vaccinated sa bansa habang nasa 22,541,383 o 30.63% naman ang mga nakatanggap ng 1st dose.
Sa report ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang taped ‘Talk to the People’, sinabi nitong dadami pa ang mga mababakunahan ngayong nasa lima hanggang pitong milyong doses pa ng bakuna ang matatanggap ng bansa ngayong linggo.
Kasunod nito, sinabi ni Galvez na target ng pamahalaan na makapag-deliver ng 100 million doses ng bakuna bago matapos ang buwang kasalukuyan.
Sinabi pa ng vaccine czar na sa Metro Manila, target nilang maitaas sa 85% ang mga fully vaccinated habang sa iba pang mga lugar ay maiangat sa 50% ang mga bakunado na.
Target din ng National Task Force (NTF) na makamit ang 500,000 hanggang 800,000 na average daily jabs.
Sa ngayon, patuloy pang pinaghahandaan ng pamahalaan ang malalaking hamon na kanilang kakaharapin pagsapit ng Oktubre hanggang sa mga susunod na buwan kasabay nang pagbubukas ng bakunahan sa general public gayundin sa mga kabataan.