Mahigpit na pinaiiral ng National Task Force Against COVID-19 ang ‘first in, first out basis’ sa mga bakuna.
Sa Laging Handa public press briefing, tiniyak ni NTF Medical Adviser Dr. Ted Herbosa na maganda ang logistics at supply chain na kanilang ipinatutupad sa mga bakuna.
Ayon kay Herbosa, hindi sila inaabutan ng expiration ng mga bakunang ginagamit sa bansa.
Aniya, inuuna nilang i-deploy o i-deliver ang mga bakunang mas malapit na ang expiration date para magamit agad at hindi na abutan ng mismong petsa ng pagkapaso at masayang.
Inabisuhan na rin nila ang mga lokal na pamahalaan na ang mga bakunang ito ang dapat na unang gamitin.
Kasunod nito, aminado si Herbosa na nanatiling malaking hamon sa kanila ang pagbyahe ng mga bakuna sa mga liblib na lugar dahil walang mga ultra low temperature freezer na syang kailangan para sa ilang bakuna tulad ng Pfizer at Moderna.