NTF, tiniyak na nireresolba ng Pamahalaan ang ilang “butas” sa contact tracing

Natukoy na ng Pamahalaan ang mga ‘butas’ sa pagsasagawa ng contact tracing at nireresolba na ito.

Ayon kay National Policy against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., mayroong kakulangan sa testing na isinasagawa sa mga indibidwal na nagkaroon ng interaction sa mga pasyenteng may COVID-19.

Nagkaroon na rin aniya ng pulong si Contact Tracing Czar Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa local government units hinggil dito.


Sinabi ni Galvez na nagsasagawa si Magalong ng mga seminar sa local authorities sa Metro Manila at CALABARZON maging sa Cebu City hinggil sa contact tracing.

Nangako na ang Philippine National Police (PNP) na tutulong sa contact tracing at maaari ding humingi ng tulong sa mga sundalo.

Dahil dito, target ng Pamahalaan na magdagdag ng contact tracers at ang budget para sila ay bayaran ay manggagaling sa panukalang Bayanihan to Recover as One Act.

Batay sa COVID-19 testing guidelines ng Department of Health (DOH), ang testing ay i-aalok na sa mga guro, mga manggagawa sa sektor ng turismo, transportasyon, manufacturing at iba pang kaugnay na industriya.

Facebook Comments