Kumpiyansa ang National Task Force Against COVID-19 na makakamit ng bansa ang target na 15 milyon ang mga indibidwal ang mababakunahan sa nalalapit na 3 araw na National Vaccination Day kahit deklarado ang November 29 at December 1 bilang special working days o may pasok.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NTF Spokesperson Ret. Gen. Restituto Padilla na tiwala ang pamahalaan sa bayanihan spirit na likas sa bawat Pilipino.
Ani Padilla, sa kasalukuyan ay very encouraging ang nakukuha nilang feedback mula sa ating mga heathcare worker.
Magsasanib pwersa aniya ang mga professional medical at dental associations, maging ang pribadong sector para maging matagumpay ang malawakang bakunahan.
Kasunod nito, patuloy na hinihikayat ni Padilla ang mga hindi pa bakunado na makiisa sa National Vaccination Day sa November 29 hanggang December 1.
Kasabay aniya ng pagluluwag ng restrictions ay dapat huwag magpakampante ang publiko at ang pagbabakuna ang solusyon upang makamit ang population protection laban sa COVID-19.