NTF, tutungo sa ilang mga lugar sa bansa na mababa ang vaccine turnout kasabay nang pag-arangkada ng 2nd round ng National Vaccination Days

Personal na sasaksihan ng ilang opisyal ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang pag-uumpisa ng 2nd round ng National Vaccination Days na magsisimula bukas, Disyembre 15-17, 2021.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Presidential Adviser on COVID-19 response Secretary Vince Dizon na tutungo sila bukas sa Region 3 partikular na sa Nueva Ecija at Zambales gayundin sa Region 4A o sa Quezon Province.

Ang mga lugar kasi na nabanggit ay mababa ang vaccine turn out noong unang sigwada ng National Vaccination Days at wala pa sa 50% ang mga fully vaccinated.


Pangunahin nilang agenda ay hikayatin ang ating mga kababayan na magpabakuna na dahil sapat na ang supply ng bakuna sa bansa at ipaunawang mahalaga ang bakuna dahil ito ang magbibigay proteksyon sa atin laban sa COVID-19.

Samantala, ang Region 1, CAR, Regions 2, 3, 4A at National Capital Region lamang ang tuloy ang malawakang bakunahan bukas dahil ang Regions 4B, 5 at mga rehiyon sa Visayas at Mindanao ay pansamantalang ipinagpaliban bilang paghahanda sa paparating na Bagyong Odette sa bansa.

Facebook Comments