Sakop ng teritoryo ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef.
Nilinaw ito ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) matapos ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa ang Julian Felipe Reef.
Ayon kay National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon Jr., ang Chairperson ng NTF-WPS, na ang Julian Felipe Reef ay nasa loob ng 12 nautical mile limit mula sa McKennan (Chigua) Reef at Grierson (Sin Cowe East) Reef, na kapwa bahagi ng munisipyo ng Kalayaan.
Aniya, nasa 175 nautical miles din ang Julian Felipe Reef mula sa Bataraza, Palawan, na sakop ng 200 mile Exclusive Economic Zone ng bansa sa West Philippine Sea.
Matatandaang naging mainit ang usapin sa West Philippine Sea makaraang mamataan ang mahigit 200 barko ng Chinese maritime militia sa Julian Felipe Reef noong Marso.