NTF-WPS, nababahala sa hindi pagsunod ng China sa provisional arrangement sa Ayungin Shoal

Dismayado ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) sa tila hindi pagsunod ng China sa nilagdaang provisional arrangement para sa maayos na operasyon sa West Philippine Sea (WPS).

Matatandaang pumasok ang dalawang bansa kamakailan sa isang “provisional arrangement,” pero para lang sa resupply at rotation missions ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na naguguluhan sila, at nabahala sa nangyayari na naman sa rehiyon.


Akala aniya nila ay maayos na ang naunang preliminary understanding sa Ayungin Shoal.

Ayon pa kay Malaya, maaaring inakala ng China na papunta ang BRP Bagacay at BRP Cape Engaño sa Teresa Magbanua para mag-resupply pero hindi naman talaga.

Patungo aniya ang mga barko ng Philippine Coast Guard sa Patag at Lawak islands.

Ang pananatili ng Teresa Magbanua sa Escoda Shoal ang ipino-protesta ng China.

Facebook Comments