Isinulong ni House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na maimbestigahan ng House of Representatives ang nilagdaan kamakailan na civil nuclear cooperation agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Sa inihaing House Resolution 582, binanggit ni Castro na sa ilalim ng naturang 123 Agreement ay pinapahintulutan ang US na mag-export ng nuclear equipment at iba pang materyales sa Philippines.
Nangangamba si Castro na tayong mamamayang Pilipino ang ma-123 at maging guinea pigs ng teknolohiya kaugnay sa nuclear energy na tinetesting o pinag-aaralan pa lang ng US.
Paliwanag pa ni Castro, mahirap ang ganitong teknolohiya na posibleng magdulot ng nuclear leaks bukod sa gagamitig ‘high-temperature gas reactor at fuel source na kayang magkalat ng radioactivity sa malawak na lugar at maaaring pumatay sa mamamayan, mga hayop at mga puno, at magdulot ng kontaminasyon sa kalupaan.
Bunsod nito ay iginiit ni Castro na dapat talagang tutulan ang modular nuclear plants na ito dahil napakadelikado sa ating bansa.