Nuclear energy cooperation deal sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, pinapaimbestigahan sa Kamara

Inihain ng Makabayan bloc ang House Resolution 582 na humihimok sa Mababang Kapulungan na imbestigahan ang 123 Agreement o nuclear energy cooperation deal sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.

Diin ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, lubhang delikado ang experimental nuclear technology sa kaligtasan at kalusugan ng mamamayang Pilipino gayundin sa kalikasan.

Bunsod nito ay hinikayat naman ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas ang taumbayan na tanggihan ang naturang nuclear deal sa pagitan ng US at Philippine government.


Giit ni Brosas, hindi rin natin dapat tanggapin ang planong pagtatayo ng mas maraming Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites sa buong bansa na maaring magdulot ng pag-abuso at karahasan sa ating mga kababayan.

Sabi ni Brosas, maaari din itong magbunga ng exportation at installation ng nuclear weapos sa bansa sa panahon na pinapaigting ng US ang military presence sa Asia-Pacific.

Babala pa ni Brosas, dahil dito ay posibleng maging bulnerable ang Pilipinas sa posibilidad ng giyera dahil dadami ang US military bases sa ating bansa.

Facebook Comments