Nuestra Señora de Visitacion, Ipagdiriwang ng isang Barangay sa Echague, Isabela!

Echague, Isabela- Ipagdiriwang ng isang komunidad sa Brgy. Malitao, Echague, Isabela ang taunang Patronal Fiesta na Nuestra Señora de Visitacion bilang pasasalamat sa biyaya ng Poong Maykapal sa matagumpay na pamumuhay ng bawat isa maging sa kanilang mga pananim na mais.

Kasabay ito ng paglalagay ng mga arko sa bawat purok sa nasabing barangay upang magtagisan sa galing pagdating sa pagdidisenyo ng kani-kanilang obra.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFm Cauayan sa tanggapan ng Sangguniang Kabataan ng Malitao, masasaksihan din bukas ng gabi ang ‘Queen Mengal’ na mismong kalahok ay ang mga ilaw ng tahanan na layong bigyang kilalanin ang mga natatanging ina sa ambag nito sa komunidad.


Ayon pa sa mga SK Officials, sa darating na Hulyo 2 ay bibigyang pagkilala naman ang mga kabataan sa idaraos na ‘Kabataan Night’ na layong mapagtibay pa ang partisipasyon ng bawat kabataan sa nasabing barangay.

Samantala, idineklarang panalo ang Purok 4 na may pinakamagandang arko na sinundan ng Purok 2 at Purok 3.

Nagpapasalamat naman ang lahat ng opisyal ng Barangay Malitao sa partisipasyon ng bawat isa upang maging matagumpay ang nasabing kapistahan.

Facebook Comments