Nueva Ecija at Bulacan, nakapagtala ng unang kaso ng ligaw na bala at biktima ng paputok

Nakapagtala ang mga lokal na pulisya ng mga nasugatan mula sa paputok at ligaw na bala ngayong Christmas season.

Sa Nueva Ecija, isang magsasaka ang nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala sa bayan ng Cuyapo nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Nueva Ecija Provincial Police Office Officer in Charge Colonel Marvin Joe Saro, kinilala ang biktima ng stray bullet na si Roger Morales.


Natutulog lamang si Morales sa kanyang kubo sa Barangay Sabi nang magising siya dahil sa matinding sakit na natamo niya mula sa tama ng bala sa kanyang kanang binti.

Agad na isinugod ang biktima sa Pacac District Hospital para siya ay magamot at inilipat sa PJG Cabanatuan City para tanggalin ang bala pumasok sa kanyang kanang binti.

Sa San Jose del Monte, Bulacan, isang lalaki ang nabiktima ng paputok na triangulo at nagtamo ng minor injuries.

Paalala naman ni Central Luzon Police Director Brigadier General Valeriano de Leon na iwasang gamitin ang mga ilegal na paputok ngayong Pasko at Bagong Taon.

Inatasan na ang mga police commanders na gumawa ng mga hakbang laban sa indiscriminate firing at firecracker related injuries.

Facebook Comments