Nueva Vizcaya, Pinakamababa ang COVID Vaccination sa buong Rehiyon Dos

Cauayan City, Isabela- Naitala sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya ang pinakamababang bilang ng mga nabakunahan ng booster shot sa buong Lambak ng Cagayan.

Ito ang ibinahagi ni Ms. Jermaine Cepeda, Regional Vaccination Operation Center o RVOC Manager ng Department of Health Region 2 sa ginanap na pulong balitaan kahapon kasabay ng paglulunsad ng kauna-unahang PinasLakas Vaccination campaign sa mga transport terminal kung saan napili ang SM City Cauayan terminal para sa launching nito.

Ayon kay Cepeda, mula sa limang probinsya sa Rehiyon dos, pinakamababa ang covid response ng Nueva Vizcaya subalit hindi na ibinigay ang eksaktong vaccination rate dahil marami parin ang talagang ayaw na magpabakuna.

Gayunman ay ginagawa pa rin daw ng mga taga DOH ang paghikayat sa mga mamamayan ng Nueva Vizcaya sa pamamagitan ng paglapit sa kani-kanilang lugar para maipaliwanag ang kahalagahan ng covid vaccine.

Ibinahagi ni Cepeda na sa loob ng unang isandaang araw ng panunungkulan ni President Bongbong Marcos Jr ay dapat maabot ng bawat bayan at munisipalidad ang 50% na nabakunahan ng first booster shot at 90% naman ng primary dose sa mga senior citizen.

Mayroon na lamang aniya silang 31 days o hanggang October 8 para makamit ang target ng Marcos administration na kung saan as of September 6, 2022 ay nasa 20% palang ang nabigyan ng booster shot sa buong rehiyon dos.

Kaugnay nito ay lalo pang paiigtingin ng kagawaran ng Kalusugan ang kanilang vaccination campaign para maabot ang mataas na bilang ng mga naturukan ng booster shot.

Napili naman ang SM City Cauayan terminal para sa PinasLakas vaccination dahil bukod sa maganda ang venue ay mas marami rin ang mga taong nagpupunta rito ganun din ang kumpletong paradahan ng mga pampublikong sasakyan.

Inihayag naman ni Dr. Bernadyn Reyes ng Cauayan City Health Office na wala na silang specific target na bilang ng mga mabakunahan o mabigyan ng booster dose ngayon kundi lahat na ng mamamayan na pasok sa age category.

Nagpahayag din ng malaking pagsuporta si LTFRB Regional Director Edward Cabase sa mga programa ng DOH dahil malaking tulong at proteksyon ito sa kalusugan ng mga nasa hanay ng transportasyon ganun din sa mga pasahero.

Samantala, inaasahan sa mga susunod na araw na ilulunsad rin ang bakunahan sa iba pang transport terminal at Mall para mapataas pa lalo ang covid response sa rehiyon.

Facebook Comments