Ayon kay PCOL Ranzer Evasco, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, mahigpit aniya ang kanilang pagbabantay sa mga nakatalang quarantine/ COMELEC checkpoints sa lalawigan upang mamonitor at matutukan ang lahat ng mga pumapasok at labas sa probinsya o sa anumang panig sa rehiyon dos.
Istrikto rin aniya ang kanilang pagpapatupad ng health and safety protocols lalo na ngayong nalalapit na campaign period at sa iba pang mga nakalatag na aktibidades sa ilalim ng election period.
Ayon pa kay PD PCOL Evasco, lahat ng mga bayan na nasasakupan ng Nueva Vizcaya ay may nakatalagang checkpoint para matiyak ang seguridad ng mga mamamayan sa lugar at maipatupad rin ng maayos ang election gun ban.
Ibinahagi ni PCol Evasco na mula nang maipatupad ang election gun ban noong ika-9 ng Enero ng kasalukuyang taon ay wala pang naitala na lumabag dito.
Maliban lamang aniya sa anim (6) na nagsuko ng kanilang baril sa pamamagitan ng “Oplan Katok” program ng PNP.
Samantala, sinabi ni PCOL Ranzer Evasco na sapat ang pwersa ng kapulisan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya kung saan mayroon ng nabuo na quick reaction team na tututok at magbabantay sa 294 polling precincts sa Lalawigan para matiyak na magiging maayos at payapa ang pagsasagawa ng halalan sa darating na Mayo 9, 2022.