Humingi ng tulong para sa kanyang pamilya ang pulis na pumatay sa mag-ina sa Tarlac na si Police Master Sergeant Jonel Nuezca.
Una rito, nagtungo sa Paniqui Municipal Police Station si PRO 3 Regional Director Police Brigadier General Valeriano De Leon kung saan niya sinabon si Nuezca.
Aniya, sinira na naman ni Nuezca ang imahe ng Philippine National Police.
Sinabi rin nito na galit na galit ngayon sa kanya ang mga tao matapos na mag-viral ang video ng kanyang pamamaril sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio.
Humingi naman ng tawad si Nuezca at sinabing pinagsisisihan niya ang nagawa niyang krimen.
Kasabay nito, umapela siya kay De Leon na tulungan ang kanyang pamilya.
Ayon kay De Leon, nagpadala na siya ng mga pulis para sa proteksyon ng asawa’t anak ni Nuezca.
Tutulungan din aniya ng kapulisan ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng proper intervention at upang makausap pa rin siya ng kanyang mag-ina.
Nangako naman si De Leon na bubuo sila ng malakas na kaso laban kay Nuezca.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan pa ang pulisya sa mga witness partikular ang kumuha ng video na gagamiting ebidensya laban sa suspek.
Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar na pagkatapos ng Christmas break ay inaasahang magtutuloy-tuloy na ang pagdinig ng korte sa dalawang bilang ng kasong murder laban kay Nuezca.