
Kinumpirma ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na isang reporter ang nakatanggap umano ng banta sa buhay kaugnay sa kanyang ulat hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon sa NUJP, nakatanggap ng death threat ang News5 reporter na si Gary De Leon noong October 27 matapos niyang subukang kunin ang panig ni Julie Patidongan o Alyas Totoy at ng kanyang mga abogado para sa kaniyang istorya.
Ayon sa NUJP Safety Office, mismong si Patidongan ang nagbanta kay De Leon matapos itong magpadala ng mensahe upang humingi ng pahayag.
Ipinagbigay-alam na ng NUJP ang insidente sa Presidential Task Force on Media Security.
Binigyang-diin naman ng NUJP na ginagawa lamang ng mga ito ang kanilang tungkulin at ang ganitong mga banta ay patunay na nananatiling delikado pa rin ang kalagayan ng mga mamamahayag sa bansa.
Si Patidongan ang whistleblower na nagdiin sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Pero ayon sa kampo ng negosyante, pilit umanong idinadawit ni Patidongan ang pamilya Ang at mga kasamahan nito upang mailigtas ang sarili mula sa posibleng pananagutan lalo’t nahaharap sya sa kasong kidnapping sa Manila Regional Trial Court.









