Nanawagan ang National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) sa mga mamamahayag na i-sentro ang kanilang diskusyon sa dahilan ng mga isinasagawang rally sa bansa.
Ito ang inihayag ni NUJP Chairman Jonathan de Santos sa interview ng RMN Manila kasunod ng isyu sa umano’y pananakit ng mga miyembro ng grupong manibela sa isang radio reporter sa isinagawang kilos-protesta sa Quezon City.
“Maganda siguro kung ‘yung coverage natin na mga rally o mga strike ay lumagpas sa narrative na perwisyo sila o nakakaharang sila sa daan. Maganda po na diskusyon din kung bakit nagrarally o bakit nagstrike ang mga grupo in the first place.”
Naglabas na ng pahayag ang istasyon ng nasabing reporter na kumukondena sa naturang insidente, habang pinabulaanan naman ito ng Manibela.
Ayon kay De Santos, malinaw na nagkaroon ng girian sa panig ng journalist at ng grupo na dapat sana ay naiwasan kung napag-usapan ito nang maayos.
“Nakakalungkot na umaabot sa ganito dahil alam naman po natin na ang mga mamamahayag, ang trabaho po natin ay mag-ulat at minsan, siguro hindi nagugustuhan kung papaano tayo mag-ulat pero hindi naman po ‘yun dahilan para manakit.”
“Nakita ko po kumbaga ang dispute pa ay hindi naman sinuntok, tinulak lang, pero kahit na, hindi po dapat ganun ang reaksyon. Meron naman pong mga avenue para maglabas ng ganyang saloobin.”