Cauayan City, Isabela- Magtatagal pa ang implimentasyon ng number coding scheme sa mga sasakyan sa Lungsod ng Cauayan bilang bahagi sa mga alituntunin na ipinatutupad sa ‘new normal’ o General Community Quarantine.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay retired Colonel Pilarito Mallillin, pinuno ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan, sinabi nito na wala pa itong natanggap na anumang bagong direktiba o memorandum ngayong nasa GCQ ang Lungsod kaya’t otomatiko aniyang mananatili ang number coding sa lahat ng uri ng mga sasakyan.
Sa ngayon ay 20 pesos ang pansamantalang minimum na pamasahe sa Poblacion area subalit kung patungo na sa ibang mga barangay o malalayo na sa Poblacion ay dipende na ito sa pag-uusap ng drayber at ng pasahero.
Inamin naman ni ret. Col. Mallillin na marami na silang natanggap na reklamo mula sa mga pasahero dahil sa sobrang singil na pamahasahe ng mga traysikel drayber sa Lungsod.
Gayunman, tiniyak nito na mabibigyan ito ng aksyon at mananagot aniya ang sinumang mapapatunayang drayber na nananamantala sa sitwasyon.
Samantala, patuloy pa rin ang mahigpit na pagbabantay ng POSD Cauayan upang matiyak ang social o physical distancing lalo na sa palengke, supermarkets, mga bangko, sa mga remittances at sa ilang mga tanggapan ng ahensya ng gobyerno.