Ibabalik ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng “number coding scheme” sa Metro Manila sa umaga, habang ipagpapatuloy naman ang pagpapairal nito mula sa hapon hanggang gabi, Lunes hanggang Biyernes.
Ito ang napagkasunduan sa unang Metro Manila Council (MMC) meeting bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Engineer Carlo Dimayuga III, epektibo ang number coding simula sa August 15, 2022 at ipapatupad simula ala-siyete hanggang alas-diyes ng umaga at mula ala-singko ng hapon hanggang alas-otso ng gabi.
Paliwanag ni Dimayuga, inaasahan kasi na dadami ang mga sasakyan sa Metro Manila na hanggang 13% sa pagbubukas ng klase.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang MMDA sa Department of Transportation (DOTr) para sa deployment ng mga bus at sa pagpapakalat ng mga karagdagang tauhan sa pag-aayos ng trapiko.
Dagdag pa ni Dimayuga, hindi muna manghuhuli ang MMDA sa mga lalabag sa number coding scheme simula sa August 15 hanggang 17 para ipaalam sa kanila ang pagpapalawig sa oras ng pagpapatupad nito at sa August 18 na sila magsisimula maniket.