Mananatili pa ring suspendido ang number coding scheme sa Metro Manila ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa virtual press briefing ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na “manageable” pa rin ang trapiko kaya’t walang rason para ibalik ang number coding scheme.
Ito ay kahit nasa ilalim na ng General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions ang National Capital Region (NCR) simula Mayo 15 hanggang Mayo 31, 2021.
Hindi naman maaaring ipatupad ang kautusan sa buong NCR dahil sa Makati City, epektibo pa rin ang modified number coding scheme kung saan tanging ang mga motorsiklo, diplomatic vehicles, government at emergency vehicles at mga sasakyang may sakay na Makati City seniors ang papayagan.
Sa ngayon, sinabi ni Abalos na ang tangi lamang aniya nilang ipinagbawal ay iyong tinatawag na truck ban.