
Iginiit ni Negros Occidental Rep. Jeffrey Ferrer ng National Unity Party o NUP na dapat maharap sa panibagong ethics complaint at mapatawan ng mas mabigat na parusa si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na ngayon ay suspendido ng 60-araw.
Sa kanyang talumpati sa plenary session ng Kamara ay binatikos ni Ferrer ang walang pakundangan, walang basehan at malisyong alegasyon ni Barzaga laban sa mga miyembro ng NUP.
Ang tinutukoy ni Ferrer ay ang sinabi ni Barzaga na tumanggap umano ang mga kasapi ng NUP ng suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon kapalit ng suporta kay dating House Speaker Martin Romualdez noong 2025 midterm elections.
Diin ni Ferrer, hindi dapat payagan ang paninirang-puri at walang basehang alegasyon ni Barzaga na layuning sirain ang kredibilidad ng kanyang mga kasamahang mambabatas at ng Kongreso.










