Kumpiyansa ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) na matutuloy ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay NUPL Assisting Counsel Atty. Kristina Conti, kahit na hindi makipagtulungan ang executive branch ay maaari pa rin namang kumuha ang ICC ng mga kinakailangan nitong impormasyon sa ibang grupo o ahensya ng gobyerno.
Inihalimbawa niya rito ang Commission on Human Rights na isang independent constitutional body na nauna nang nagpahayag ng kahandaan nitong makipagtulungan sa imbestigasyon.
Una nang iginiit ng administrasyong Marcos na dapat hayaan ng ICC ang Pilipinas na resolbahin ang war on drugs issue ng administrasyong Duterte.
Katwiran ng Department of Justice, kumalas na ang Pilipinas sa ICC at mayroon naman tayong “working justice system.”
Habang sa isang panayam, nanindigan si dating Pangulong Duterte na hindi siya makikipagtulungan dahil ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin upang protektahan ang mga Pilipino laban sa mga kriminal.