Nadagdagan pa ang inihaing reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Naghain naman ngayon ng reklamo ang National Union of People’s Lawyers o NUPL.
Partikular na inirereklamo ay sina National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command Chief Lt. General Antonio Parlade Jr. at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy.
Kabilang sa patong-patong na kasong isinampa ay paglabag sa Section 19 ng Republic Act 6770, paglabag sa RA 6713, grave misconduct, conduct prejudicial to the interest of the service at grave abuse of authority.
May kaugnayan pa rin ito sa ginagawang red-tagging umano ng NTF-ELCAC.
Ikinababahala ng NUPL ang pag-uugnay sa kanila sa NPA dahil sa peligro nito sa kanilang adbokasiya.
Hinihiling ng grupo na matanggal sa serbisyo ang naturang opisyal at ma-forfeit ang kanilang benepisyo.
Nauna na ring naghain ng reklamo sa Ombudsman ang grupong Karapatan at Kabataan Partylist group dahil din sa isyu ng red-tagging.