NURSE, ARESTADO SA BANTAY, ILOCOS SUR DAHIL SA QUALIFIED THEFT

Isang 32 anyos na babaeng nurse ang naaresto ng mga awtoridad sa bisa ng Warrant of Arrest kaugnay ng kasong Qualified Theft noong madaling araw ng January 9, 2026 sa Bantay, Ilocos Sur.

Bandang alas-3:00 ng madaling araw nang isagawa ng Bantay Municipal Police Station (MPS) sa pakikipagtulungan ng Ilocos Sur Provincial Police Office (ISPPO) ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng akusada. Ang suspek ay isang dalaga, tubong Bantay, Ilocos Sur, at kasalukuyang naninirahan sa Dagupan City.

Ayon sa pulisya, ang akusado ay nahaharap sa dalawang bilang ng Qualified Theft, na may itinakdang piyansa na tig-₱40,000 bawat kaso. Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan bago siya dalhin sa Bantay MPS kung saan siya ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya.

Tiniyak ng kapulisan na naisagawa ang pag-aresto alinsunod sa umiiral na batas at patuloy ang kanilang pagsisikap sa pagtugis sa mga wanted person upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lalawigan ng Ilocos Sur.

Facebook Comments