Nurse, Patay ng sumalpok sa Garbage Truck ang minamanehong motorsiklo; Backrider, Sugatan

*Cauayan City, Isabela*- Dead on arrival ang drayber ng isang Yamaha NMAX habang sugatan ang backrider nito matapos aksidenteng masalpok ang likurang bahagi ng isang garbage dumptruck pasado 3:50 kaninang madaling araw sa Bosi St., Brgy. Caritan Norte, Tuguegarao City, Cagayan.

Kinilala ang nasawing biktima na si Zedfrey Maguigad, isang nurse ng Cagayan Valley Medical Center at residente ng Lanna, Solana, Cagayan habang nakilala ang sugatang backrider nito na si Allen Bacuyag, 21 anyos.

Nakilala naman ang suspek na si Laureano Macababbad Jr., 39 anyos, may asawa, isang garbage truck driver at residente ng Annafunan East, Tuguegrao City.


Ayon kay PCapt. Isabelita Gano, tagapagsalita ng Tuguegarao City Police Station, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na nakaparada ang garbage truck sa kanang bahagi ng daan para mangolekta ng mga basura.

Binabagtas naman ni Maguigad kasama ang kanyang backrider ang parehong lansangan ng mabangga nito ang likurang bahagi ng truck dahilan para pumailalim ang mga ito sa nasabing garbage truck.

Batay sa ginagawang pagsusuri ng doctor ay positibong nakainom ang mga biktima ng mangyari ang insidente at nabatid na mabilis ang pagpapatakbo ng drayber ng motorsiklo.

Sa ngayon ay nasa mabuting ng kalagayan ang backrider na anak ng dating hepe ng PNP Sta. Teresita sa Cagayan.

Inihahanda naman ang kasong isasampa laban sa suspek na Accident resulting in Homicide, Serious Physical Injury and Damage to Property.

Facebook Comments