Nurse, pinutulan ng binti matapos balewalain ang sakit upang gumamot ng COVID-19 patients

Pinutulan ng binti ang isang nurse matapos balewalain ang pananakit na sanhi pala ng tumor, sa kagustuhang magpatuloy sa serbisyo sa gitna COVID-19 pandemic.

Halos dalawang buwang tiniis ni Sette Buenaventura ang madalas na pamumulikat habang nagtatrabaho ng 12-hour shift sa ospital sa Greater Manchester, England.

Sa ulat ng Metro, inakala raw ng 26-anyos noong una na dala lang ng matagal na pagtayo ang nararamdamang sakit.


Nang mahirapan na rin pati sa paglalakad, nagpasuri si Buenaventura noong Abril at lumabas sa magnetic resonance imaging (MRI) scan na mayroon siyang sarcoma sa kanang binti.

Ang sarcoma ay bihirang uri ng cancer na karaniwang tumatama sa mga buto at soft tissues ng katawan.

Dalawang linggo lang makalipas, naging singlaki na ng golf ball ang tumor, at ang tanging paraan na lamang daw upang makaligtas dito ay putulin ang apektadong bahagi.

Noong Mayo nang putulin ang binti ni Buenaventura, na labis niya umanong ikinalungkot.

“I was so upset, I like to look after myself and try my best to be healthy, I work in healthcare and never expected this to happen to me,” saad niya sa panayam.

Nahihirapan din daw siyang tanggapin ang bagong buhay at maging ang pagtingin sa salamin ay hindi niya magawa.

Aminado rin ang nurse na nababahala sa kung anong magiging trato sa kanya ng ibang tao, lalo pa’t ayaw niya aniyang isipin ng iba na kailangan niya palagi ng tulong.

“I got a real taste for that level of commitment. That is what working in hospitals is like — you forget about your own pains because you’re busy helping other people, which I love to do, but everything comes at a cost,” ani Buenaventura.

Gayunpaman, nakatakda siyang bumalik sa trabaho sa Nobyembre kung maging maayos ang kanyang pagpapagaling.

Hinimok din ng nurse ang mga may iniindang sakit na magpatingin sa doktor habang maaga pa.

Facebook Comments