Muling nabawasan ang mga frontliner na humaharap sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) makaraang bawian ng buhay ang isang nurse sa Cabanatuan City, Nueva Ecija na dinapuan ng nasabing virus.
Sa isang Facebook post, kinumpirma ng Philippine Nurses Association Inc. nitong Huwebes ang pagpanaw ni Arvin Pascual mula sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.
“Philippine Nurses Association (PNA) gives our salute and respect to you Nurse Arvin Pascual, a warrior against CoVID-19… An Angel in the sick room has fallen. Lord please heal our Land,” mensaheng isinulat ng asosasyon.
Nakapagtapos si Pascual ng kursong Bachelor of Science in Nursing sa Wesleyan University-Philippines.
Kasabay ng pakikiramay sa pamilya, kinilala ng pamatansan ang “selflessness and dedication to the call of duty” ng yumaong nurse.
Kabilang na si Pascual sa humahabang listahan ng health worker na nagsakripisyo ng buhay para maglingkod at tumulong sa nangangailangan.
Matatandaang nanawagan ang Philippine Medical Association (PMA) sa gobyerno na dagdagan ang supply ng personal protective equipment (PPE) upang maproteksyonan ang mga tumutugon sa COVID-19.
Batay sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH), Miyerkoles ng gabi, umakyat na sa 2,311 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, 96 naman ang namayapa, at 50 ang naka-recover.
Umiiral ngayon ang enhanced community quarantine sa buong Luzon at iba pang parte ng bansa bilang proteksyon laban sa pagkalat ng nakamamatay na virus.