ITALY – Patay ang isang doktor matapos itong bigtiin ng sariling kasintahan na isang nurse dahil umano sa panghahawa nito ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ulat ng The Sun, tumawag sa pulisya ang suspek na si Antonio De Pace, 28, at inaming pinatay niya ang nobyang si Lorena Quaranta dahil sa naturang impeksyon.
Dinatnan ng awtoridad ang wala ng buhay na doktor habang si De Pace ay may laslas sa kanyang pulso.
Nang dalhin ang suspek sa kustodiya ng pulisya, inamin daw nito sa mga imbestigador na kinitil niya ang kinakasama dahil binigyan daw siya nito ng COVID-19.
Ngunit lumalabas na walang kahit anong sakit ang magkasintahan base sa ulat ng Italian news agency.
Samantala, agad namang isinugod sa ospital si De Pace at kalauna’y nasa maayos ng kalagayan.
Parehong nagtatrabaho sa Sicilian Hospital ang dalawa para masugpo ang pandemic sa Italy kung saan mahigit 13,000 katao na ang nasawi dahil sa COVID-19.
Kaugnay nito, naiulat na bago mamatay ay naging aktibo pa sa Facebook si Quaranta.
“Now more than ever we need to demonstrate responsibility and love for life. You must show respect for yourselves, your families and the country,” saad daw nito sa caption post.
”You must think and remember those that dedicate their lives daily to looking after our sick,” dagdag pa nito.