‘Nurses for vaccines’ policy ng DOLE, pinalagan nina Senators Drilon at Villanueva

Ikinadismaya nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Committee on Labor Chairman Joel Villanueva ang pag-alok ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa United Kingdom at Germany ng mga Filipino nurses kapalit ng COVID-19 vaccines.

Tanong ni Drilon at Villanueva, bakit tayo umabot sa ganitong sitwasyon at ganito na ba tayo kadesperado sa gitna ng kawalan pa rin natin hanggang ngayon ng bakuna laban sa COVID-19.

Giit ni Drilon, hindi kasama sa mandato ng DOLE ang ‘palit bakuna’ kundi ang tutukan at protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa lalo na ngayong may pandemya.


Sabi naman ni Senator Villanueva, hindi sana didiskarte ng tila ‘kapit sa patalim’ ang DOLE kung ginawa lang ng Inter-Agency Task Force ang tungkulin.

Nilinaw naman ni Villanueva na mataas ang respeto niya kay Labor Secretary Silvestre Bello lalo pa at naging matulungin ito sa mga pagdinig ng kanyang komite at nagtrabaho rin ito ng maigi ngayong may pandemya.

Pero diin ni Villanueva, hindi dapat gawing barter trade ang OFW (Overseas Filipino Worker) deployment at mali rin na ipagpalit ang tao sa produkto tulad ng bakuna.

Facebook Comments