Iminungkahi ni Senator Jinggoy Estrada sa Department of Health (DOH) na unahin munang i-tap ang mga nurses na bagong kapapasa pa lang sa board exam.
Ito ay sa kabila nang naunang mungkahi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na bigyan ng temporary license ang mga nursing graduates na bumagsak o nakakuha ng score na 70 hanggang 74 sa kanilang board exam para madagdagan ang health workforce ng bansa.
Ayon kay Estrada, aabot sa 18,000 ang mga nurses na bagong pasa sa board ang hindi pa umaalis ng bansa na maaring kunin ng pamahalaan.
Aniya, ito muna ang pakiusapan ng gobyerno na magtrabaho sa bansa at hindi ang mga nursing graduates na bumagsak sa exam.
Hindi sangayon si Estrada sa pagha-hire ng mga nurses na bumagsak sa board dahil buhay ng mga tao ang nakataya.
Pakiusap ng senador, hindi dapat magpadalos-dalos sa desisyon si Sec. Herbosa at marapat lamang na isantabi ang naunang plano.
Sa ngayon ay aaralin muna ng DOH ang planong pag-hire ng mga bumagsak sa exam na nursing grads matapos makakuha ng samu’t saring batikos dito.