Para kay ANAKALUSUGAN Party-list Rep. Ray Reyes, maituturing na “win-win solution” ang panukalang scholarship para sa nais kumuha ng kursong nursing na may kaakibat na return service program.
Nakapaloob ito sa inihain ni Rep. Reyes na House Bill No. 6631 o “Nursing Scholarship and Return Service Program Act na nagkakaloob ng scholarship sa mga state universities and colleges o private higher education institutions para sa mga karapat dapat na nursing students.
Base sa panukala, ang bawat taon ng scholarship ay tutumbasan nila ng isa’t kalahating taon na pagtatrabaho sa ospital na tutukuyin ng kinaibilangan nilang lokal na pamahalaan o ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Reyes, tugon ang panukala sa atas ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) sa Commission on Higher Education (CHED) na aksyunan ang kaulangan ng nurse sa Pilipinas dahil sa pangingibang bansa.
Nakakaalarma para kay Reyes ang datos mula sa Professional Regulatory Commission o PRC na nitong March 24, 2023 ay nasa 53.55 percent lamang ng 951,105 registered nurses ang aktibong nagsiserbisyo sa bansa dahil ang karamihan ay nasa abroad.
Tinukoy rin ni Reyes ang impormasyon mula sa DOH noong Oktubre ng nakaraang taon ay umaabot na sa 106,000 ang kulang na nurse sa ating bansa.