Binuhay muli ni Marikina City Mayor Marcelino Marcy Teodoro ang implementasyon ng kilalang “Nutribun” program sa lahat ng public elementary schools, lalong-lalo na sa kindergarten at Grade 1 pupils sa Lungsod bilang bahagi ng feeding program.
Ayon kay Mayor Teodoro, ang pagbuhay muli ng nutribun feeding program ay layon na matugunan ang seryosong problema ng mga batang malnourished sa Marikina City.
Paliwanag ng alkalde na target nilang maging ‘zero malnutrition’ ang Marikina City Government sa susunod na taon dahil ang Nutribun ay masustansyang meryenda na ibinibigay sa mga estudyante noong taong 1970s, panahon ni dating pangulong Marcos na ipinamahagi sa mga pampublikong paaralan upang matugunan ang child malnutrition.
Dagdag pa ni Teodoro na ang lahat ng mga school canteens sa lahat ng public elementary schools sa lungsod ay gumagawa na ngayon ng ‘Nutribun’ breads.