Umaasa ang National Vaccination Operations Center (NVOC) na masisimulan na rin sa lalong madaling panahon ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang edad 4 pababa.
Ayon kay NVOC Chairman at Health Undersecretary Myrna Cabotaje, nabatid naman ng lahat na nagbibigay ng proteksyon ang mga bakuna lalo na sa mga bata.
“Alam naman natin na ang bakuna ay nagbigay ng proteksiyon. Alam din natin na marami sa 2 to 5 ang nagkakasakit. So, kung sa tamang panahon at may bakuna na, rekomendado na ito ng ating mga experts, inaral na ng Health Technical Assessment Council (HTAC), may emergency use authorization na ang bakuna, puwede nang ibigay ang pagbabakuna sa below 5 years old.” ani Cabotaje
Sinabi naman ni Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Benito Atienza na makakatulong ang pagbabakuna sa nasabing age group para maprotektahan ang mga kabataan sa virus.
Sa ngayon, hinihintay na lang aniya nilang maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Emergency Use Authorization (EUA) para makapagsimula na rin ng vaccination rollout sa mga batang 4 pababa.
“Pero ito po ay nakakatulong sa atin kasi at nakikita natin, sabi nga po more than 400 first na kabataan na ang nagka-COVID at saka nakita po natin ngayon ang dumadaming kaso ng COVID ay mga bata kasi wala pa silang bakuna. Kaya po iyong mga zero to four na hindi pa nababakunahan rin ay hinihintay na natin ang EUA niya. Kasi sa Amerika nagbibigay na ng two hanggang five years old na bakuna. Sa ibang bansa sa Europe, nakapagbigay na sila, ongoing na sila.”