Iniimbestigahan na ngayon ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang nangyaring pagtuturok ng anti-COVID-19 vaccine sa isang 6-month-old na sanggol sa Bulacan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NVOC Chairperson Usec. Myrna Cabotaje na kanilang tutukuyin kung nagkaroon nga ba talaga ng gross negligence sa panig noong midwife na nagturok ng bakuna sa sanggol.
Aniya, imbes na anti-pneumonia ay anti-COVID-19 vaccine ang naiturok.
Sa ngayon, wala namang adverse event ang naitala sa sanggol na naturukan ng COVID-19 vaccine.
Pero tiniyak ni Usec. Cabotaje na magtutuloy-tuloy ang ginagawa nilang monitoring sa kondisyon at lagay ng sanggol.
Kasunod nito, payo ng NVOC sa mga vaccinator na ihiwalay ang mga bakunang kontra COVID-19 sa iba pang regular na bakuna.
Mas mainam din aniyang lagyan ng malaking label ang COVID-19 vaccines upang maiwasan ang pagkalito.