Umapela si Deputy Minority Leader at Marikina Rep. Bayani Fernando sa mga ahensya ng gobyerno na bayaran na ang mga obligasyon sa mga contractors at suppliers ng mga produkto at serbisyo upang maibsan ang epekto ng economic recession bunsod ng COVID-19 pandemic.
Hiling ni Fernando na madaliin na ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na bayaran ang kanilang mga bayarin o “outstanding obligations” sa pribadong sektor habang hindi pa huli ang lahat.
Sa ganito aniyang paraan ay makakatulong upang magtuloy-tuloy ang produksyon ng mga “goods at services”, mapanatili ang mga trabaho at maiiwasan ang pagsasara ng mga kompanya.
Iginiit ng kongresista na ang “overdue payments” ay paulit-ulit na isyu na lamang ng ilang mga government agencies at kung minsan ay inaabot pa ng mahigit isang taon bago mabayaran ng pamahalaan ang kanilang utang sa private sector.
Inihalimbawa ni Fernando ang isiniwalat ni dating Congressman Rolando Andaya Jr., na bigong makapagbayad ang DPWH sa mga contractors nito ng P100 billion para sa mga natapos na infrastructure projects noong 2018.
Iginiit pa ng mambabatas na may sapat na pondo ang pamahalaan para mabayaran ang mga obligasyon nito sa mga pribadong korporasyon dahil sa pinalawig na validity ng 2019 budget hanggang December 31, 2020, gayundin ay may P1.63 trillion para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa mga ahensya habang P829.4 billon naman sa Capital Outlay (CO) ngayong taon.