Thursday, February 12, 2026

OBRA NG ISANG LOCAL ARTIST SA DAGUPAN CITY, PWEDENG GAWING ALTERNATIBONG REGALO NGAYONG VALENTINE’S DAY

Nag-umpisa sa simpleng libangan lamang ang talento sa pagguhit na bunga ng malikhaing imahinasyon, ngunit bawat hagod ng brush o lapis ay nagpapahayag ng damdamin.

Ngayong buwan ng Pebrero, kasabay ng pagdiriwang ng National Arts Month at Valentine’s Day, hindi lamang bulaklak at tsokolate ang maaaring ipangregalo bilang simbolo ng pagmamahal kundi maging ang sining na likha mula sa talento at puso.

Mula sa isang al fresco restaurant dito sa Dagupan City, hindi lang tiyan ang busog kundi pati ang mga mata dahil sa mga obra ni Idol Lito na pumupukaw sa atensyon ng mga customer.

Kaya kung naghahanap ka ng kakaiba at pangmatagalang regalo, maaari kang bumili ng mga natapos nang obra o magpagawa hango sa iyong napiling laarawan.

Sa halagang P2,000, depende sa laki at uri ng obra, maaaring magpagawa ng painting na kasing laki ng bond paper. Anumang obra ay tumatagal at hindi nalalanta, at tulad ng pag-ibig, hindi ito naluluma ng panahon.

Mula sa kanyang karanasan, pinatutunayan ni Idol Lito na ang sining ay hindi lamang paraan ng pagpapahayag ng emosyon. Tulad ng iba pang lokal artist sa Pangasinan, nagsisilbi rin itong alternatibong kabuhayan at patunay na may puwang at halaga ang sining sa pang-araw-araw na buhay. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments