Occupancy rate ng mga local government hospital, mataas pa rin kahit ‘bumaba’ na ang kaso ng COVID-19 sa QC

Inihayag ng Quezon City government na nasa 163-percent pa rin ang occupancy rate o bilang ng mga kwartong okupado na laan sa mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19 sa Maclang General Hospital sa QC.

Ang nabanggit na pagamutan ay isa sa tatlong mga government hospitals na pinatatakbo sa ilalim ng pangangasiwa ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon.

Bukod sa Maclang General Hospital ay nasa halos 148-percent din ang occupancy rate ng Novaliches District Hospital.


Tanging ang QC General Hospital ang mababa ang bilang ng ina-admit na positibo sa COVID-19 dahil nasa 77.50% lamang ang occupancy rate.

Sa ngayon ay nasa 9,089 na lamang ang kumpirmadong active cases ng virus sa QC mula sa dating umabot pa ng mahigit 13,200 kaso noong September 16.

Samantala, batay sa datos na inilabas ng QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit o CESU, umabot naman sa 3,238,105 doses ng bakuna ang naiturok sa nagpapatuloy ng COVID-19 vaccination program ng national government.

Sa bilang na ito, halos 1.8-million o mahigit 105% ng 1.7 million na target adult population ang nabakunahan na ng first dose, habang mahigit 1.4-million o 89.96% naman ang nakatanggap na ng kanilang second dose.

Sa kabuuan, 1,538,801 o 90.52% na ng target adult population ang maituturing na fully-vaccinated sa pinakamalaking lungsod dito sa National Capital Region.

Facebook Comments