Unti-unti nang bumaba ang occupancy rate sa mga district hospital at quarantine facilities na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan Maynila.
Sa pinakahuling COVID-19 update ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, nasa 54 percent na ang occupancy rate sa mga district hospital sa lungsod.
Dahil dito, nasa 280 beds na lamang ang okupado mula sa 523 na COVID-19 bed capacity sa district hospital tulad ng Gat Andres Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Abad Santos Medical Center.
Samantala, nasa 37% naman ang occupancy rate sa quarantine facilities na hawak ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa COVID-19 positive cases.
Ayon kay Mayor Isko, mula sa 870 na bed capacity ay nasa 324 ang okupado kaya’t aniya, maituturing na “okay” ang sitwasyon sa ngayon.
Pero kahit bumaba na ang occupancy rate sa mga naturang ospital at quarantine facilities, sinabi ng alkalde na hangga’t nananatili ang virus ay hindi pa rin dapat maging kampante ang publiko.
Kaugnay nito, patuloy na gagawa ng mga hakbang ang Manila Local Government Unit (LGU) para mapalakas ang kanilang COVID-19 response tulad ng pagbabakuna basta’t mayroong suplay, COVID-19 testing at pagdaragdag ng kapasidad ng mga ospital at iba pang pasilidad.