Inihayag ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na patuloy na bumababa ang occupancy rate sa mga district hospital at quarantine facilities sa lungsod.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno na bagama’t bumababa, patuloy pa rin nilang tinututukan ang “occupancy rate” sa kanilang mga district hospital at quarantine facilities na ginagamit para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Aniya, kasalukuyang nasa 24% ang occupancy rate sa anim na ospital kung saan ang COVID-19 beds sa mga pagamutang ito ay nasa 491 pero bumaba na sa 119 ang bilang ng okupado.
Ayon pa kay Mayor Isko, nasa 6% na lamang din ang occupancy rate sa quarantine facilities sa lungsod para naman sa mga positibong kaso ng COVID-19.
Ang bed capacity sa mga ito ay nasa 870 pero sa ngayon, aabot na lamang sa 50 ang bilang ng okupado.
Aabot naman sa 20 pasyente ang nananatili sa bagong tayong Manila COVID-19 field hospital kung saan mayroon itong 344 bed capacity.
Sa kabila ng bahagyang pagbaba sa occupancy rate, umaapela pa rin ang lokal na pamahalaan sa publiko na palaging sumunod sa health protocols at mag-ingat upang hindi tamaan ng COVID-19.