Occupational safety para sa mga aktor sa bansa, isusulong sa Kamara

Manila, Philippines – Itutulak ni 1-Pacman Partylist Representative Mikee Romero ang panukalang batas na mangangalaga sa occupational safety o kaligtasan sa trabaho at kalusugan ng mga aktor sa bansa.

Kasunod ito ng pagkasawi ng kanyang stepfather na si Eddie Garcia matapos ang insidente habang nagsasagawa ng shooting ng isang bagong palabas.

Ihahain ni Romero sa pagpasok ng 18th Congress ang panukala na tatawaging “Eddie Garcia Law” na layong pangalagaan ang buhay at kalusugan ng mga aktor na nagtatrabaho sa telebisyon at sa movie industry.


Itatakda sa ilalim ng panukala ang pagkakaroon ng mandatory actors and production staff insurance coverage, walo hanggang 12 oras lamang na pagtatrabaho, pagkakaroon ng medical at safety procedures sa production set, pagkakaroon ng mandatory safety officers, emergency operational standards gayundin ang pagpaparusa sa mga lalabag dito.

Umaasa ang kongresista ng suporta mula sa kanyang mga kasamahang mambabatas pati na ang pagkakaroon ng counterpart bill nito sa Senado.

Facebook Comments