Pinag-iingat ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga Local Government Unit (LGU), laban sa 10 million peso fund scam na nambibiktima sa mga barangay officials.
Ang babala ay inilabas ni NDRRMC Executive Director at OCD Administrator Ricardo Jalad matapos na makarating sa kanya ang mga report tungkol bagong modus ng mga scammer.
Umano’y nakikipagpulog ang mga scammer sa mga LGU at barangay officials at sinasabing may 10 milyong pisong disaster funds na naka-allocate sa mga barangay, kung saan kailangan lang nilang magbigay ng 5,000 pisong “processing fee” para makuha ito.
Nilinaw ni Jalad na walang inutusang empleyado ang OCD para umaktong “fixer” sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng ahensya.
Sinabi ni Jalad na ang anumang pinansyal na tulong ng ahensya sa mga LGU ay pinopondohan mula sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) fund or calamity fund at ito ay “free of charge”.
Paalala ni Jalad sa mga LGU, ang anumang hiling nila para sa tulong pinansyal o proyekto ay direktang isumite sa lokal na tanggapan ng OCD, para hindi mabiktima ng mga scammer.