Pinabubulaanan ng Office of Civil Defense (OCD) ang impormasyon na ang natatatanggap nilang donasyong personal protective equipment (PPE) at iba pang supplies ay idinadaan muna sa Malasakit center ni Senator Bong Go bago ipamahagi sa mga nangangailangang ospital.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, fake news ang impormasyong ito, sa katunayan, aniya, makikita sa official website ng OCD na lahat ng PPEs at supplies na kanilang binili at mga donasyong natanggap ay maayos na naipamamahagi direkta sa mga ospital na ang mga medical workers ay nakatutok sa paggamot sa mga COVID-19 patients.
Giit ni Timbal walang nangyayaring stopover sa mga donasyon kahit saang mga bodega para i-repacking o i-rebranding ang mga ito.
Aniya, seryoso nilang ginagawa ang kanilang responsibilidad kung saan lahat ng kanilang donasyong natatangap ay napupunta sa nararapat na recepients.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang OCD na pangunahan ang pagtanggap sa mga donasyong gamot at medical supplies ng mga pribadong sektor para sa mga hospital.