Hindi bumibili at nagbibigay ng decontamination chemicals ang Office of Civil Defense (OCD) para sa alinmang COVID-19 quarantine facilities.
Ito ang nilinaw ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal matapos na ihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Francisco Gamboa na ang OCD ang bumili ng mga ginagamit na decontamination chemical sa mga COVID-19 quarantine facilities.
Nitong May 24, 2020 nang aksidenteng na-spray kay Dr. Casey Gutierrez at dalawa pa nitong kasama sa University of Life Theater and Recreational Arena (ULTRA) COVID-19 Facility ang concentrated decontamination solution dahilan para mahirapan itong huminga at mamatay noong May 30, 2020.
Ayon kay Timbal, ang ginagawa lamang ng OCD ay ayusin ang food catering, lodging ng mga nakatalaga sa mga quarantine facilities, pagbibigay ng mga Personal Protective Equipment (PPEs), hygiene kits, medical equipment at supplies.
Sila rin ang nakatalaga sa janitorial services at waste collection at disposal.
Pero kung actual management at operation sa mga COVID-19 facility ay hindi ito sakop ng OCD.
Umaasa ang OCD na matutukoy ng PNP ang pinanggalingan ng nakakalalasong chemical para na rin maprotektahan ang mga frontline staff sa ULTRA COVID 19 Facility sa Pasig City.