OCD, nagbabala kahit nasa labas na ng PAR ang Bagyong Bising

Nagpaalala ang Office of Civil Defense (OCD) sa publiko na manatiling alerto at mag-ingat sa patuloy na epekto ng habagat na pinalakas ng bagyong Bising, kahit pa lumabas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa OCD, bagama’t pumasok at agad na lumabas ng bansa ang bagyong Bising nitong July 6 hanggang 7, nag-iwan pa rin ito ng matinding epekto lalo na sa habagat.

Resulta nito ang mga pag-ulan, flash flood at landslide sa ilang bahagi ng Luzon gaya ng Hilagang Luzon, Gitnang Luzon, at Cordillera.

Batay sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa CAR, nakakaranas ng sama ng panahon ang mga probinsya ng Apayao, Abra at Benguet.

Ayon kay OCD Officer-in-Charge Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, magtatatag sila ng interagency coordination cell sa loob ng OCD, kung saan personal na nag-uusap ang mga ahensya para mabilis ang desisyon sa mga kritikal na sitwasyon.

Samantala muling paalala ng OCD na hwag magpakalat ng fake news at kumuha lamang ng update mula sa beripikadong sources.

Pinapayuhan din ang publiko na ihanda na ang kani-kanilang go-bag na may lamang pagkain, tubig, gamot, flashlight, mga importanteng dokumento at iba pa.

Facebook Comments