May ugnayan na ang Office of Civil Defense MIMAROPA sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Palawan gayundin sa municipal DRRMO ng Balabac at Brookes Point maging sa Philippine Coast Guard-Palawan, Armed Forces of the Philippines Western Command (WESCOM), at Tactical Operations Wing West hinggil sa pagkawala ng medevac chopper ng Philippine Adventist Missionary Aviation Services (PAMAS).
Ayon kay OCD Administrator at NDRRMC Executive Director, Undersecretary Ariel Nepomuceno, ikinalulungkot nila ang insidente lalo na’t hangad lamang ng pag-airlift na dalhin sana sa ospital sa Brooke’s Point ang isang pasyente.
Sinabi pa ni Nepomuceno na handa silang ibigay ang alinmang suportang kakailanganin, asset man o personnel.
Sa ngayon, nagtutulong-tulong ang Philippine Air Force, Philippine Navy at Philippine Coast guard sa paghahanap sa yellow bee aircraft.
Matatandaang kahapon nang lumipad ang naturang aircraft mula Mangsee, Balabac pero hindi na ito nakarating sa kanilang destinasyon.