
Naka-Blue Alert Status na ang National Disaster Risk Reduction and Management Operations (NDRRMO) Center na pinangangasiwaan ng Office of Civil Defense (OCD) dahil sa nararanasang sama ng panahon sa ilang bahagi ng bansa dulot ng Bagyong Mirasol.
Ayon kay Civil Defense Administrator Usec. Harold Cabreros, layon nitong masiguro ang mabilis na pagtugon sakaling kailanganin sa gitna ng masamang lagay ng panahon.
Sa pagtaya ng OCD, maaaring magdala ng malawakang malakas na ulan ang Bagyong Mirasol at iba pang weather disturbance sa mga susunod na araw, na posibleng magdulot ng pagbaha, landslide, at iba pang kalamidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasunod nito, muling ipinanawagan ng OCD ang mahigpit na pag-iingat laban sa inaasahang malalakas na pag-ulan at mga hazard na dulot ng masamang panahon.
Samantala, nakaantabay rin ang NDRRMC Response Cluster at nakaposisyon na ang relief goods at mga tauhan para sa mabilis na pagtugon.
Para mas mapalakas ang babala, gumagamit ang OCD ng iba’t ibang plataporma kabilang ang social media upang agad na maipaabot sa mga apektado at vulnerable community ang mga abiso.
Patuloy ding nagbabantay ang OCD at hinikayat ang publiko na manatiling nakatutok sa mga opisyal na channel ng gobyerno at maging handa sa epekto ng malakas na ulan.










