
Cauayan City — Binibigyang-diin ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 ang mas pinaigting na paghahanda laban sa banta ng malalakas na lindol, sa kabila ng kawalan ng teknolohiyang makapagsasabi kung kailan ito tatama.
Sa isinagawang 108th UP-UP Cagayan Valley sa TOG 2 Cauayan, sinabi ni OCD RO2 Chief DRRMC Officer Ronald Villa na nananatiling hamon ang kawalan ng instrumento para matukoy ang eksaktong oras at petsa ng lindol, ngunit nakalatag na ang mga plano upang mapalakas ang kakayahan ng rehiyon sa pagtugon.
Isa sa mga pangunahing programa ang Oplan Saranay, kung saan nakasaad ang mga resources at tulong na maaaring i-deploy mula sa mga lokal na pamahalaan ng Region 2 patungo sa Metro Manila sakaling tumama ang tinaguriang “The Big One.”
Kasama rin sa plano ang pagsasagawa ng mga pang-gabing earthquake drills upang masukat ang kahandaan ng mga komunidad kahit sa oras ng pagtulog, at ang pagpapatatag ng rescue teams na handang magresponde anumang oras.
Kasunod ng bawat malaking sakuna, isinasagawa rin ang stress debriefing upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga responders at mamamayan.
Hinihintay naman ng rehiyon ang Harmonized Contingency Plan mula sa national level bago ito tuluyang mailabas sa publiko, ngunit mayroon nang mga draft plan na inihahanda ang ilang LGU.
Ayon pa kay Villa, nagkaroon na ng malaking pag-unlad sa mga paaralan pagdating sa earthquake drills. Marami nang estudyante at guro ang tinuturuan ng basic search and rescue techniques at mayroon na ring sapat na kagamitan para sa initial response kung sakaling tumama ang isang malakas na lindol.
Bilang dagdag hakbang, naglabas ng direktiba si OCD Director Leon Rafael na magsagawa ng pagsasanay para sa mga miyembro ng media hinggil sa earthquake drills upang masiguro ang tamang pagbibigay ng impormasyon at maayos na koordinasyon sa panahon ng sakuna.









