OCD, sinabing walang missing person sa nangyaring lindol sa Cebu

Kinumpirma ng Office of Civil Defense (OCD) na walang naiulat na nawawalang tao kaugnay ng naganap na magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Cebu at kalapit na mga lalawigan sa Visayas nitong Martes ng gabi.

Ayon kay OCD spokesperson Junie Castillo, wala silang natatanggap na ulat mula sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa nawawalang indibidwal.

Dagdag pa ni Castillo na batay sa kasalukuyang assessment, all accounted for ang lahat ng residente sa mga apektadong komunidad.

Sinabi rin ni Castillo na matapos ang pagpupulong kasama si OCD Administrator Undersecretary Harold Cabreros, idineklarang tapos na ang search and rescue operations.

Pinayagan na rin ang mga pribadong grupo na tumutulong sa operasyon na mag-demobilize at tumutok na lamang sa relief distribution, clearing operations, at iba pang disaster response missions.

Umaasa naman ang OCD na hindi na madaragdagan pa ang bilang ng mga nasawi.

Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hindi bababa sa 72 ang naitalang nasawi at 294 ang sugatan, ngunit patuloy pa ring bineberipika ang nasabing datos.

Facebook Comments