
Siniguro ng Office of Civil Defense (OCD) ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng Super Typhoon Pepito.
Ayon kay OCD OIC Assistant Secretary for Operations Cesar Idio, bibigyan nila ng prayoridad ang relief efforts, tulad ng pamamahagi ng shelter materials, family food packs, at power restoration sa Region 5 partikular sa Catanduanes na isa sa hinagupit ng bagyo.
Labing-isa (11) sa 16 na munisipalidad ang labis na naapektuhan kung saan naging pahirapan ang komunikasyon kaya malaking hamon aniya ang relief operations sa probinsiya.
Tatagal lamang kasi ng dalawang araw ang kasalukuyang family food packs sa Catanduanes .
Sinabi pa ni Idio na magsu-supply ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 10,000 food packs mula Cebu, depende na aniya sa lagay ng panahon.
Nakahanda na rin ang air assets ng pamahalaan para sa agarang pagdadala ng supply.
Samantala, sinabi naman ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na susubukan bumyahe ngayong araw ng emergency response team ng Department of Energy para sa pagbabalik ng kuryente sa Catanduanes.
Patuloy rin aniyang nakikipagtulungan ang OCD sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na pamamahagi ng tulong para sa tuluyang pagbangon ng rehiyon mula sa kalamidad.









