24 oras ang ugnayan ng Office of Civil Defense (OCD) sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at iba pang ahensya ng pamahalaan hinggil sa monitoring ng sitwasyon sa nag aalburotong Bulkang Mayon.
Ayon kay Civil Defense Administrator at National, (Disaster Risk Reduction and Management Council) DRRMC Executive Director, Undersecretary Ariel Nepomuceno naglabas na siya ng memorandum sa OCD Bicol Region at Calabarzon upang paigtingin ang kanilang monitoring at magkaroon ng close coordination sa local DRRMC.
Nagbigay babala na rin ang OCD sa mga apektadong residente at pinayuhan ang mga ito na magsilikas upang maiwasan ang mga pinsala at pagkasawi ng buhay.
Kaugnay nito, pinapayuhan din ng OCD ang mga piloto na umiwas na lumipad malapit sa Mayon dahil sadyang mapanganib ang ashfall sa aircraft.
Sa ngayon, nakataas sa Alert Level 3 ang status ng Mayon kung saan mahigpit nang ipinatutupad ang evacuation sa loob ng 6-km radius Permanent Danger Zone.
Nabatid na huling pumutok ang Mayon volcano noong 2018 sa pamamagitan ng phreatic eruption o steam-driven explosion.